Naantalang pensiyon, isinisi sa bangko

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2017 09:02 PM

Dinagsa ng mga galit at nagtatakang pensioner ang Facebook page ng Social Security System (SSS) para ireklamo ang hindi pagpasok ng kanilang pension nitong katapusan ng buwan.

Katapusan ng Oktubre o mga unang araw ng Nobyembre dapat ang payout sa mga nasabing pensioner. 

Matapos siyasatin, natuklasan na ang mga nagkaaberya, puro nasa bangkong BPI. 

Reklamo ng isang senior citizen, sa pension nila inaasa ang mga buwanang bayarin.

Pero ayon sa SSS, Oktubre 17 pa nang magsimula silang mag-remit ng pension para sa Nobyembre bilang paghahanda sa Undas holiday.

Kapag holiday kasi, ibinibigay ang pension sa huling banking day bago ang holiday.

"October 31, hanggang kahapon (Huwebes) wala...Nang imbestigahan, BPI lamang [ang nagka-problema], sila lang nagkaroon ng delay dahil hindi naipasok noong October 31 at November 1...We have 70 partner banks at OK naman lahat," paliwanag ni Louie Sebastian, tagapagsalita ng SSS. 

Humingi na ng paumanhin ang BPI at inamin ang kapalpakan. 

"We apologize for the slight delay in the processing due to the non-banking holidays. The good news is, as of early this morning, all pensions assigned to BPI are already available."

Pero giit ng mga pensioner, dapat ay maagap ang BPI at gawin ang obligasyon bago ang holiday. 

Ayon naman sa SSS, unang beses pa lang ito nangyari sa mga pensioner na may BPI account pero hiningi na nila sa nasabing bangko na siguraduhing hindi na ito mauulit lalo na't sa Disyembre ibibigay ang 13th month pension.

"Sa December dalawang pension ang matatanggap...we are closely working with BPI. They promised it will never happen again," ani Sebastian.

Paalala ng SSS, mahalagang ipaalam agad sa kanila kapag may problema sa remittance ng pensyon para malaman kung saan ang aberya.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.