Mga batang lansangan, di 'itatago' pagsapit ng ASEAN

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2017 09:55 PM

Hindi umano tutularan ng Palasyo ang madalas gawin ng nakaraang administrasyon na pagtatago ng mga batang lansangan tuwing may international activity sa bansa.

Ani Department of Social Welfare and Development (DSWD) undersecretary Mitch Cajayon-Uy, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabing dapat makita ng mga international leaders ang tunay na kalagayan ng bansa. 

Bilin pa ni Duterte, dapat umanong magpakatotoo at hayaan ang mga bisitang dayuhan makita ang lansangan sa Pilipinas. 

Kung aalalahanin, ilang beses nabatikos ang nakaraang administrasyon matapos umanong itago ang mga street dwellers noong bumisita si Pope Francis noong 2015 at noong APEC Summit sa parehong taon.

Nilinaw ni Cajayon-Uy na may mga programa silang ginagawa para matulungan ang mga batang lansangan para hindi maglagi sa mga kalsada.

May mga activity centers na aniyang nakalaan para sa mga batang kalye at iba't ibang aktibidad tulad ng mga palaruan, pagbabasa, at feeding program, may international events man o wala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.