Ilang bakwit, sabik pero may alinlangan sa pagbalik sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2017 07:41 PM

Sabik mang makabalik sa kanilang mga tahanan, may alinlangan pa rin ang ilang bakwit mula Marawi dahil may mga miyembro pa rin umano ng Maute group na naiwan sa main battle area. 

Magkahalong emosyon ang nararamdaman ng ilang residenteng babalik na sa cleared areas sa Marawi.

Kuwento ng residente na si Ligaya Condayo Saumay, kinakabahan siya ngunit sabik na ring makabalik sa Marawi dahil mahirap maging bakwit. 

Nasa 6,500 bakwit mula Marawi, makababalik na

Halos 6,500 na mga internally displaced persons (IDPs) ang makakabalik sa siyam na barangay na hindi gaanong naapektohan ng bakbakan sa Marawi City. 

Ayon sa tagapagsalita ng Task Force Bangon Marawi na si Assistant Secretary Kristoffer James Purisima, mayroon nang tubig at kuryenteng magagamit ang mga IDPs sa siyam na barangay na babalikan nila. 

Kabilang sa mga barangay na maaari nang balikan ng mga bakwit ang mga sumusunod:

  • Basak Malutlut
  • Marawi Poblacion
  • East Basak
  • Luksa Datu
  • Barrio Green
  • Saber
  • Tampilong
  • Matampay
  • Pangao Saduk

Pero nilinaw ni Purisima na ngayong Sabado makukumpleto ang mga babalik sa Barangay Saber at Pangao Saduk. 

Clearing ops sa main battle area, patuloy

Samantala, kahit tapos na ang combat operation, patuloy pa rin ang clearing operations sa main battle area.

Bukod sa mga improvised explosive device, dagdag na hamon sa military ang mga natitirang miyembro ng Maute group.

Nitong Huwebes, nakita mismo ng documentary team ng ABS-CBN ang isang miyembro ng Maute group.

Ayon kay Major General Restituto Padilla, spokesperson ng Armed Forces of the Philippines, ginagawa na nila ang mga hakbang upang huwag makalusot ang mga nalalabing miyembro ng Maute group. 

Habang hindi pa nakukuha ang lahat ng natitirang miyembro ng grupo, patuloy naman ang panawagan ng mga Muslim na magkaisa ang mga Maranao para mapabilis ang pagbangon ng Marawi. 

Robin Padilla, nag-alay ng dasal para sa Marawi

Nag-alay ng taimtim na dasal para sa Marawi ang aktor na si Robin Padilla na mas kilala ng kapwa Muslim bilang si Abdul Aziz.

Kinondena ng actor ang nangyari sa lungsod at sinabing hindi alinsunod sa Islam ang ginawa at pinaglalaban ng Maute group. 

Bigo mang makapasok sa main battle area, pinuntahan na lang ng actor ang inupahang bahay ni Isnilon Hapilon kung saan unang sumiklab ang bakbakan. 

-- Ulat nina Raphael Bosano at Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.