Estudyante, 8 oras naglakad pauwi mula UST

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2017 07:57 PM | Updated as of Nov 04 2017 02:48 AM

Halos walong oras nilakad ng isang estudyante ng University of Sto. Tomas (UST) ang kalsada ng Maynila bilang isang pagsubok sa sarili. 

Sa isang video blog (vlog) ng 20 anyos na si Mico Taberdo, dinokumento nito ang kaniyang paglalakad mula sa eskuwelahan sa España, Maynila pauwi sa bahay nila sa Fairview, Quezon City. 

Nagsimula siyang maglakad ng 9:55 a.m. at nakarating ito sa bahay sa Fairview ng 5:15 p.m.

Maging ang sapatos, sumuko sa energy ni Taberdo.

Inspirasyon aniya ang mga kuwento ng kabataang hirap sa buhay.

"Yung mga nasa bundok, yung mga nag-aaral sa malalayong lugar, ang layo ng tirahan nila, mas malayo pa sa nilakad ko...pero pursigido sila," pahayag ni Taberdo.

Ibinahagi rin ni Taberdo sa kaniyang vlog ang ilang obserbasyon sa problema sa mga lansangan.

Sa may Welcome Rotonda, wala umanong maayos na daanan para sa mga persons with disabilities (PWD) na halos tinayuan pa ng poste.

Putol naman ang overpass sa may G. Araneta sa Quezon Ave. habang hindi maayos ang kondisyon ng ilan pang mga sidewalk.

"Hindi conducive 'yung mga daan para sa mga naglalakad...hindi ko alam paano tatawaid o kung okay lang ba tumawid sa lugar na ito. Bihira na nakikita ko for yung [for] disabled (PWD).. Hindi natin nabibigyan ng pansin," giit Taberdo. 

Marami ring palaboy na aso sa daan pauwi. Sa katunayan, 17 ang nakasalubong ni Taberdo pauwi.

Napansin din nito ang mausok na kapaligiran. 

"Pagpasok ko pa lang ng Commonwealth, langhap ko na...Sobrang polluted...Hindi kakayanin kung may sakit sa baga. Do this at your own risk," saad ni Taberdo. 

Graduating student ng BA Advertising Arts si Taberdo at hindi niya inakalang magiging patok sa social media ang ginawa niyang video.

Sabi ng binata, hindi malayo na maging "walk for a cause" project ang nasimulan niyang "walk from school to home" challenge.

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.