Babae sugatan matapos sakmalin umano ng buwaya sa Palawan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2017 05:36 PM

Isang babae ang sugatan matapos sakmalin umano ng buwaya sa Barangay Pasig, Balabac sa Palawan Martes ng hapon.

Base sa kuwento ni Maritsaya Hussin, 45, nag-iigib siya ng tubig sa ilog kasama ang kaniyang pamangkin nang biglang sakmalin ng buwaya ang kaniyang kanang hita.

Sinubukan umano siyang hilahin pailalim ng tubig ng buwaya. Buti na lamang daw at may sanga siyang nakapitan.

Nakawala umano siya sa pag-atake nang batuhin ng kaniyang pamangkin ang buwaya at magsisisigaw ito.

Kinumpirma ito ng midwife ng Rural Health Unit na nag-asikaso kay Hussin nang dalhin ito noong Nob. 1.

Malubha umano ang sugat sa hita at may mga maliliit na gasgas sa likuran si Hussin kaya agad silang nagbigay ng paunang lunas.

Tumanggi na umano si Hussin na dalhin pa sa pinakamalapit na pagamutan.

Hindi umano nakarating sa Palawan Council for Sustainable Development at Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center ang insidente, kaya ang pag-validate umano sa ulat ang kanilang gagawin.

Malaking porsiyento naman daw talaga na tinitirhan ng mga buwaya ang mga ilog sa Palawan. Pero kung pagbabasehan lang daw ang kuwento ng residenteng umano’y nasakmal ng buwaya, maaaring may pagkukulang din ito.

Patapos na rin umano ang breeding season ng mga buwaya pero hindi rin malabong napagkamalan lang si Hussin na ibang hayop na target ng buwaya.

Wala naman umanong rabies o lason ang kagat ng buwaya, pero kung pababayaan umano ang sugat ay baka maimpeksyon ito kaya dapat na lagi umano itong nalilinis at nagagamot.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.