ALAMIN: Mga isasarang kalsada para sa ASEAN Summit

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2017 09:27 PM | Updated as of Nov 04 2017 12:19 AM

Unti-unti nang isasara ang ilang kalsada sa Metro Manila simula sa susunod na linggo para bigyang daan ang mga Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) convoy.

Magsisimula ang partial lockdown sa Nobyembre 8 sa Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex sa Pasay. 

Ayon sa chief security para sa ASEAN Summit, puwedeng dumaan ang mga motorista pero asahang sasailalim sila sa mahigpit na inspeksiyon.

 

Isasarado rin ang daan sa SMX-MAAX Block sa Pasay City sa Nobyembre 11.

Sa Nobyembre 13 naman, total lockdown na ang gagawin sa Roxas Boulevard mula Padre Burgos hanggang Buendia Avenue sa Maynila, pero bahagyang tatanggalin ang lockdown sa SMX Block sa Pasay.

Tatanggalin din ang lockdown sa Roxas Boulevard sa Nobyembre 13, alas-12 ng tanghali. 

Bukod sa mga isasarang kalsada, pinaplantsa na rin ang seguridad para sa pagdating ng higit 20 heads of state na dadalo sa ASEAN Summit at iba pang kaugnay na pagpupulong ngayong Nobyembre.

Sa rehearsal nitong Biyernes para sa ASEAN Summit, halos kasado na ang pag-deploy sa 12,000 pulis, sundalo, at mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Ipadadala sila sa Clark, Pampanga at iba’t ibang lugar sa Maynila na magiging venue ng pagpupulong.

Ipinatutupad na rin ng Philippine National Police ang gun ban sa Metro Manila, Region 3 at Region 4A simula noong Nobyembre 1 hanggang Nobyembre 15.

Samantala, kinumpirma naman mismo ni United States President Donald Trump na maglalagi siya ng karagdagang isang araw sa Pilipinas upang dumalo sa East Asia Summit.

"We're actually staying an extra day in the Philippines," ani Trump. 

Taliwas ito sa napaunang balita na hindi na pupuntahan ni Trump ang nasabing summit na gaganapin sa Nobyembre 14 sa Pampanga.

Sa nauna kasing schedule na ipinadala ni Trump, sinabi nitong hanggang Nobyembre 13 lang siya tatagal sa Pilipinas. 

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.