5 sugatan sa magkahiwalay na banggaan sa QC at Antipolo

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2017 06:09 AM

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Lima katao sugatan sa magkahiwalay na banggaan sa Quezon City at Antipolo.

Bumangga ang isang taxi sa concrete barrier sa gitna ng Commonwealth Avenue, Quezon City pasado alas-10 Huwebes ng gabi.

Sugatan ang dalawang pasahero at ang 66-anyos na taxi driver na si Johnny Oleo. 

Patuloy pang kinikilala ng mga awtoridad ang mga pasahero. Isinugod ang tatlo sa East Avenue Medical Center.

Suspetsa ng traffic enforcer na si Elson Supe, kulang sa ilaw o reflector ang concrete barrier na nakalagay bago mag-Sandiganbayan kaya bumangga rito ang taxi. 

Madilim daw kasi sa lugar at hindi rin naman amoy alak si Oleo.

Dahil sa lakas ng impact, nayupi ang bumper ng taxi at nabasag ang salamin sa harapan nito.

Sa loob lang ng dalawang linggo, apat na insidente na umano ng mga sasakyang bumangga sa concrete barrier ang naitala ng Barangay Batasan.

Sa hiwalay na aksidente, bumangga ang isang 18-wheeler truck sa isang poste ng tinatayong LRT-2 extension project sa Marcos Highway sa Antipolo.

Nagtamo ng minor injury ang dalawang pahinante nito.

Kwento ng driver na si Aron Botilo, galing Antipolo at papuntang Bulacan na sila para kumuha ng mga semento nang biglang pumutok ang isang gulong ng truck. - Ulat nina Vivienne Gulla at Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.