4 taong bata nagulungan ng truck sa Iloilo, patay

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2017 05:39 PM | Updated as of Nov 03 2017 10:24 PM

ILOILO CITY - Isang batang babae na edad 4 ang idineklarang dead on arrival sa Qualimed Hospital, Biyernes, matapos masagasaan ng truck sa Barangay Tabucan Airport. 

Base sa kuha ng CCTV, kabababa lamang ng taxi at tatawid sana ang biktima kasama ang kaniyang kapatid na si Jasnen, tiyuhing si Jerry, at tiyahin na si Roselyn Dapolog.

Ilang segundo pa, dumaan ang humarurot na delivery truck at nasapul ang dalawang biktima; nagulungan ang batang babae habang sugatan naman ang kaniyang tiyahin.

Patuloy na inoobserbahan sa ospital ang kalagayan ng tiyahin na nagtamo ng mga sugat sa ulo at katawan. Hindi naman nasaktan ang tiyuhin at kapatid ng nasawing bata.

Nahuli na rin ng mga pulis ang drayber ng truck na kinilalang si Ronald Draper.

Sabi ng imbestigador, mabilis ang takbo ng truck.
 
Pero depensa ng truck driver, mabilis ang pagtawid ng mga biktima kaya hindi na siya nakapagpreno.

Sinisisi rin niya ang tiyuhin ng biktima dahil ligtas aniya sana ang magtiyahin kung hindi hinila ng tiyuhin.

Kasong reckless imprudence resulting in homicide at serious physical injuries ang haharapin ng truck driver.

Umapela naman ang kapitan ng barangay na si Manuel Solinap sa mga motorista na maghinay-hinay sa pagmamaneho dahil matao ang lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.