PH Coast Guard, balik sa pagpapatrolya sa Panatag Shoal

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2016 11:18 PM

Panatag shoal. PH Coast Guard

Balik sa pagpapatrolya ang Philippine Coast Guard sa Panatag Shoal matapos ang pansamantalang pagkakahinto nang bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa China, at nang dumaan ang magkasunod na bagyong Karen at Lawin.

Ayon kay PCG spokesman Commander Armand Balilo, naka-stand by na ang tatlong barko ng PCG na BRP Tubattaha, BRP Davao Del Norte, at BRP Pampanga, gayundin ang tatlong sasakyang pandagat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Dalawa sa mga nasabing barko ang posibleng maglayag ngayong Huwebes patungong Panatag Shoal. 

Ito ay matapos makatanggap si PCG Commandant Rear Admiral William Melad ng go signal o clearance mula kay National Security Adviser Sec. Hermogenes Esperon para sa muling pagpapatrolya.

Ayon pa kay Balilo, nanatili pa rin ang mga barko ng China Coast Guard sa Panatag Shoal.

Layunin ng pagpapatrolya sa Panatag Shoal na iparamdam ang presensya ng Pilipinas at protektahan ang mga mangingisdang Pilipino. - DZMM Teleradyo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.