Panghuhuli ng galunggong sa Palawan, pansamantalang itinigil

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2016 06:03 PM

Galunggong

PALAWAN - Muling ipinatupad ang Joint Administrative Order No. 1 Series of 2015 o ang closed season sa panghuhuli ng galunggong ng mga commercial fishing boats sa hilagang silangang bahagi ng Palawan simula ngayong Nobyembre hanggang sa katapusan ng Enero 2017.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-MIMAROPA, ito ay para magbigay-daan sa aktibong pangingitlog ng mga isda sa mga panahong ito.

Base sa datos ng BFAR mula 2011 hanggang 2013, 92 porsyento ng galunggong na ibinabagsak sa Navotas Fishport ay galing sa Palawan. Ito ay dahil pangunahing pangitlugan ng galunggong ang hilagang silangan ng Palawan, at ang pagpaparami ng galunggong dito ay pagpaparami rin ng galunggong sa buong bansa.

Sa ngayon, hindi pa daw masasabi ng BFAR kung naging epektibo ang ginawang closed season sa mga nakaraang taon dahil kinakailangang magsagawa ng obserbasyong sa loob ng tatlo hanggang limang taon para makita ang epekto ng ipinapatupad na closed season.

Nakahanda naman daw ang enforcement team ng BFAR upang bantayan ang mga lumalabag na commercial fishing boats.

Paglilinaw ng BFAR, maari pa ring manghuli ng galunggong ang mga maliliit na mangingisda sa hilagang silangang bahagi ng Palawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.