SAPUL SA VIDEO: Sasakyan, bumulusok nang magkamali ng apak sa silinyador

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2017 10:29 PM | Updated as of Nov 04 2017 12:54 AM

Bumulusok ang isang sasakyan sa Sibulan Port, Negros Oriental nitong Miyerkoles matapos umanong magkamali ng tapak sa silinyador ang nagmamaneho ng sasakyan.

Sa kuha ng dash cam video ni Bayan Patroller Kyla Khristina Song, umabante ang isang pick-up na sasakyan para sumakay ng barge sa Sibulan Port.

Pero bigla itong humarurot at nahulog sa dagat.

Nahulog ang pick-up truck na may lulang isang pamilya sa Sibulan Port, Negros Oriental nitong Miyerkoles. Kuha ni Zed Garett

Sa mga larawan ni Bayan Patroller Zed Garett, nakuhanan ang pagsagip sa mga sakay ng pick-up. 

Gumamit pa ng crane para maiahon ang sasakyan mula sa dagat.

Sabi ng may-ari ng sasakyan, nawalan siya ng kontrol sa manibela kaya humarurot.

Ligtas naman ang kaniyang asawa at apat na anak.

Pabalik sana sila ng Cebu matapos sunduin ang mga anak sa Dumaguete City.

Sa Baguio City naman, nakaligtas ang driver ng isang taxi matapos mahulog ang minamanehong sasakyan sa bangin.

Paliwanag ng biktimang si Rico Bagtang, babalik sana siya sa pamamasada matapos ihatid pauwi ang kaniyang asawa.

Nahirapan siya sa pagpreno dahil basa ang kalsada bunsod ng ulan.

Ayon naman sa mga residente, madulas talaga ang naturang kalsada kahit umambon lang.

Takaw-aksidente rin umano ang lugar dahil hindi mataas ang barikada sa bangin.

-- Ulat ni Jude Torres at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.