Mga asawa't anak ng mga Maute, 'nasagip' pero iniimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2017 04:17 PM | Updated as of Nov 02 2017 04:25 PM

Ilang kaanak ng mga miyembro ng teroristang grupong Maute ang hawak at iniimbestigahan ng mga awtoridad matapos matagpuan sa loob ng main battle area sa Marawi City.

Ayon kay Col. Romeo Brawner, deputy commander ng Task Group Ranao, ilan sa mga nasagip nila kamakailan bilang bahagi ng clearing operations ay mga anak at asawa ng mga Maute.

Ngunit iimbestigahan pa rin ang mga nasagip, lalo na ang mga misis, dahil posibleng mga tagasuporta ito ng teroristang grupo.

"Iniimbestigahan ng [Criminal Investigation and Detection Group] 'yong mga asawa kasi kailangan nating malaman kung ano involvement nila," ani Brawner sa panayam ng DZMM.

Batay kasi sa kuwento ng ilang bihag, may ilang asawa ng mga Maute na nakipagsagupaan din laban sa tropa ng pamahalaan.

Bahagi rin umano ng clearing operations ang paghanap sa mga naiwang "stragglers" na tagasuporta o mismong miyembro ng Maute.

"Ginagalugad po natin lahat ng mga sulok-sulok, mga butas [at] tunnels. Sinisiguro po natin na hindi po nakatago dito ‘yong mga natitirang miyembro ng Maute-ISIS," ani Brawner.

Lalo kasing napaigting ang paghahanap na ito matapos ipahayag ni Muhammad Ilham Syahputra, isang nadakip na teroristang Indonesian, na may lagpas 12 pang manlalaban ng Maute sa loob ng main battle area.

Nahuli ng pulisya si Syahputra sa Barangay Loksadatu noong Miyerkoles, Nobyembre 1.

Hahalughugin din ng mga eksperto ang cellphone na nakuha kay Syahputra sakaling may makalap ditong maaaring maging ebidensiya.

"Mayroon tayong mga forensic experts sa mga devices para makita kung sino ang mga kausap niya," ani Brawner.

Nakuha kay Syahputra ang mga alahas at pera mula sa iba't ibang bansa gaya ng US dollars, Saudi riyal, at Indonesian rupiah.

'Professional looters,' nahuli

Dagdag ni Brawner, patuloy na iniimbestigahan ang mga sundalong inaakusahan ng looting, o pagtangay ng mga gamit, nang madestino sa Marawi.

Nasa 22 "professional looters" din umano ang nahuli kamakailan at kinasuhan na ng pulisya.

Sa gabi umano nananalisi ang mga ito upang magnakaw sa lungsod.

Samantala, may ilang kagamitang ibinalik ang militar sa mga residente gaya ng mga laptop at cellphone.

Maingat ding sinusuyod ng militar ang ilang bahagi ng Marawi para sa mga improvised explosive devise na hindi pa sumasabog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.