Lola, 16 beses sinaksak; 2 binatilyo, dawit

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2017 09:09 PM

Patay ang 69 anyos na lola sa Angeles City, Pampanga matapos pagsasaksakin at sakalin noong Oktubre 21. Ang pinagsususpetsahan: dalawang binatilyo. 

Tinukoy ang biktima bilang si Floridad Velasquez na nagtamo ng 16 na saksak sa katawan at sinakal din umano gamit ang electric cord sa loob ng sarili niyang bahay.

Itinuturong salarin ang dalawang hardinero ng biktima na edad 15 at 17.

Nakuhanan pa sila ng CCTV noong araw na sinasabing nangyari ang krimen.

“May nakakita sa kanila [mga suspek], may kinausap sila na mga kasama din nilang minor… Tinapon ‘yong mga cellphone na ninakaw, sinubukan nilang bumalik sa crime scene. Gustong balikan pa ‘yong flat [screen] TV,” ayon kay Chief Insp. Aris Gonzales ng Angeles City Police Station 4.

Hindi naman makapaniwala ang ama ng isa sa mga suspek na kayang magnakaw at pumatay ng kaniyang anak. 

Desidido ang pamilya ng biktima na papanagutin ang mga menor de edad sa kasong robbery with homicide.

Sa ngayon, nasa kustodiya ng City Social Welfare and Development (CSWD) Office ang dalawang suspek. 

Magsasagawa rin ng assessment ang CSWD sa dalawang menor de edad para makapagbigay ng rekomendasyon sa piskal.-- Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.