Kanang kamay ni Hapilon, napatay sa engkuwentro

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2017 10:40 PM

Napatay noong Miyerkoles ang dalawang miyembro ng teroristang grupong Maute, kabilang ang sinasabing kanang kamay ni Isnilon Hapilon, matapos makipagsagupaan sa tropa ng pamahalaan.

Patuloy kasing sinusuyod ng militar ang Marawi City para sa mga naiwang tagasuporta o miyembro ng Maute bilang bahagi ng clearing operations. 

Ayon kay Col. Romeo Brawner Jr., deputy commander ng Joint Task Group Ranao, kabilang sa mga napatay ay si Abu Talha na kanang kamay ni Hapilon, dating pinuno ng Abu Sayyaf.

Dalawang sundalo naman ang nasugatan sa engkuwentro.

Saksi ang ABS-CBN News team sa isa pang engkuwentro ng militar laban sa mga nagtatagong terorista sa main battle area.

Kumukuha ng video sa main battle area ang ABS-CBN News nang makita ang isang lalaking mahaba ang buhok at nakasuot ng itim.

Bigla itong tumalon at mabilis na tumakbo papunta sa isang gusali.

Agad hinabol ng mga sundalo ang lalaki.

Mismong si Brawner ang unang rumesponde kasama ang tatlo pang sundalo. 

Nagkaroon ng putukan ng mga baril pero nang pasukin ng mga sundalo ang gusali, hindi na nakita ang lalaki.

Samantala, hawak na ng Criminal Investigation and Detection Group si Muhammad Ilham Syahputra, isang teroristang Indonesian na nahuli noong Miyerkoles sa Barangay Loksadato.

Inihahanda na ang kaso laban sa dayuhan na posibleng may kaugnayan sa rebelyon at illegal possession of firearms.

Sinabi ni Brawner na dapat magsilbing babala sa publiko ang sunod-sunod na pagkakahuli sa mga natitirang terorista para huwag munang magpumilit na bumalik sa lungsod habang hindi pa tapos ang clearing operations.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.