DDB chair, kumambiyo: 'miscalculation', hindi 'mistake', ang 'mega rehab'

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2017 11:07 PM | Updated as of Nov 03 2017 12:59 AM

Matapos tawaging isang pagkakamali ang mega rehabilitation center sa Nueva Ecija, kumambiyo ngayon sa pahayag ang chairman ng Dangerous Drugs Board (DDB).

Ayon kay DDB Chairman Dionisio Santiago, namali lang ang kalkulasyon sa pagpapatayo ng mega drug abuse treatment and rehabilitation center.

“It's not a mistake, it's a miscalculation. Siguro may reasons sila for putting up the rehab,” ani Santiago. 

Iba ang tono ni Santiago sa nauna niyang pahayag nito lang Miyerkoles, Nobyembre 1.

"That was a mistake. Ang problema, naging excited si President. 'Yung ginasta doon, puwedeng ginamit sa mga community-based rehab 'yun, malilit, which can only accommodate siguro mga 150 to 200,” ani Santiago nitong Miyerkoles.

Ang rehab center sana ang nakikitang solusyon sa daang libong sumusuko sa war on drugs ng gobyerno pero halos isang taon matapos itong buksan, nasa 400 pasyente pa lang ang laman nito.

Sa naunang paliwanag ni Santiago, hindi praktikal na ilayo sa kanilang komunidad ang drug dependents dahil sa gagastusin ng mga kamag-anak para lang madalaw ang mga pasyente.

Tingin din ni Santiago, mas makatutulong ang maliliit na community-based rehabilitation centers na kayang tumanggap ng 150 hanggang 200 na mga pasyente.

Kaya naman nais ni Santiago na gawing kulungan para sa minimum-security prisoners ang ibang bahagi ng mega drug rehab center sa Nueva Ecija.

Paglilinaw naman ng MalacaƱang na sinunod lang nila ang kagustuhan ng isang Chinese philanthropist na nagpatayo ng mega drug rehab facility.

“Wala pong pera ng gobyerno na ginastos diyan sa mega rehab centers na itinayo ‘no. ‘Yan po ay ibinigay ng isang philanthropist na Tsino ‘no,” ayon sa bagong tagapagsalita ng pangulo na si Atty. Harry Roque.

Gayumpaman, sinabi ni Roque na gagalangin nila ang opinyon ng DDB sa mga susunod na proyekto.

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.