Bata mula sa evacuation center, patay sa diarrhea

Cherry Camacho, ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2017 06:50 PM

Isa ang patay habang lima ang nasa ospital matapos tamaan ng diarrhea sa Puerto Princesa, Palawan.

Kabilang ang mga biktima sa 300 pamilyang inilikas sa isang basketball court sa Barangay Bagong Silang, Puerto Princesa matapos masunugan noong Setyembre.

Pumanaw ang isang 10 taong gulang habang lima ang nananatili sa ospital dahil sa pagsusuka at pagtatae.

Nahihirapan umano ang nasa 300 pamilya na inilikas sa isang basketball court matapos masunugan noong Setyembre dahil sa maruming paligid at kakulangan sa maayos na mapagkukuhanan ng tubig. Kuha ni Cherry Camacho

Ayon sa barangay health worker na si Jenny Hilvano, marumi ang kasulukuyang tinutuluyan ng mga evacuee.

"Marumi talaga ang paligid, 'yong pinagkukuhanan ng tubig malapit sa mga portalet. Puwedeng na-kontamina na ito," ani Hilvano.

Dagdag pa rito aniya ang pabago-bagong panahon.

Nauuso ang ubo, sipon at diarrhea sa mga lumikas, ayon kay Hilvano.

Ayon kay Vicky Oblan, kagawad ng barangay, mayroong kakulangan sa gamot kaya hirap silang matugunan ang sakit ng mga evacuee.

Ngunit nakipag-ugnayan na umano sila sa lokal na pamahalaan para madaliin ang proseso ng paglipat sa mga evacuee sa relocation site.

Target na madala ang mga evacuee sa relocation site sa Barangay Tagburos bago matapos ang taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.