'Anti-deposit law', ipinababasura ng mga pribadong ospital

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2017 10:07 PM

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang isang grupo ng mga pribadong ospital at klinika upang ideklarang "unconstitutional" o labag sa Saligang Batas ang pagpapataw ng malaking multa sa pasilidad na tatangging gumamot ng mga walang pang-deposit na pasyente. 

Ayon sa petisyon ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPi), hindi umano makatarungan ang Anti-Hospital Deposit Law o Republic Act (RA) 10932 o dahil katumbas na ito ng "involuntary servitude" o sapilitang pagseserbisyo. 

Dagdag ng grupo, "excessive" o sobra-sobra ang ipapataw na parusa sa mga lalabag sa batas, at hindi daw ito ayon sa bigat ng pagkakamali. 

"Going by the astronomical amounts of the fines imposed, RA 10932 has thus branded an erring physician, nurse, and other hospital officials and employees as more evil than a public officer refusing their sworn duty to our sacred institutions by up to five times," ayon sa petisyon.

Naglalaro kasi sa P100,000 hanggang P1 milyon ang maaaring multa ng sinumang hindi tatanggap ng pasyenteng nasa "emergency" o kinakailangan ng agarang gamutan. 

Maaari ring kanselahin ang lisensiya ng pagamutan depende sa bigat ng paglabag. 

Ang mga respondents sa petisyon ay sina Executive Secretary Salvador Medialdea at ang Department of Health.

Ang RA 10932 ay naisabatas noong Agosto 3 matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nais ng grupo na maglabas ng temporary restraining order o writ of preliminary injuction ang Korte Suprema upang ipatigil ang pagpapatupad ng batas habang nireresolba ang kanilang petisyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.