1 patay, 3 sugatan sa pagsalpok ng bus sa tricycle

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2017 11:00 PM

POLOMOLOK, South Cotabato - Patay ang isang tricycle drayber at sugatan naman ang 3 pasahero nito nang mahulog ang sinasakyan nila sa isang bahagi ng Awas Creek sa Barangay Sulit, Polomolok nitong Huwebes, matapos itong sakpukin ng bus.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang drayber na kinilala bilang si Henry Celis, habang nagtamo naman ng mga sugat ang 3 estudyanteng pasahero, kabilang na ang anak ni Celis.

Ayon sa drayber ng bus na si Fernando Villanueva, papunta sa General Santos City ang bus nang bigla umanong sumingit ang tricycle ni Celis.

Nabangga ng bus ang tricycle kaya ito nahulog sa creek, ayon kay Villanueva.

Ngunit ayon naman sa anak ni Celis, binabaybay ng tricycle ang outer lane nang mag-overtake umano ang bus at nasagi ang kanilang sinasakyan.

Nasa kustodiya na ng mga pulis si Villanueva habang iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente.

Walang nasaktan sa mga pasaherong lulan ng bus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.