1 patay, 2 sugatan sa pagguho ng lupa sa Camarines Sur

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2017 05:40 PM

SAGÑAY, Camarines Sur- Isa ang patay habang 2 naman ang sugatan sa pagguho ng lupa sa Barangay Sibaguan sa bayan na ito nitong Huwebes ng umaga.

Nasawi si Ryan Lasmariñas, 32, habang sugatan naman ang kaniyang 85-anyos na lolo na si Felipe Olaño matapos matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay.

Maliban sa mag-lolo, sugatan rin ang isa pang residente na si Cristy Bantal, 19, na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC), tinatayang 5 bahay ang naapektuhan ng pagguho ng lupa sa lugar.

Ayon sa kapitbahay ng mga Olaño na si Gary Dela Vega, gising siya nang marinig ang malakas na pagguho ng lupa na umabot sa kaniyang kusina.

Agad umano siyang sumaklolo sa mag-lolo ngunit matapos ang mga 15 minuto ay namatay na si Lasmariñas nang mahukay ito sa pagkakabaon sa lupa.

Anim na malalaking pagguho ng lupa ang naitala na sa buong bayan.

Samantala, malaking bahagi naman ng Sagnay Road ang hindi madaanan ng malalaking sasakyan. Nakatulong naman ang mga habal-habal at tricycle ngunit kailangan pa rin maglakad para makatawid sa gumuhong lupa.

Aminado ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC) na lalong humina ang pundasyon ng lupa dahil sa pagpapalawak ng kalsada at dala na rin ng malalakas na pag-ulan mula pa noong isang linggo.

Inabisuhan na umano nila dati pa ang mga residente na nakatira sa gilid ng kalsada na lumipat ngunit bumabalik pa rin ang karamihan sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.