'Nanlabang' rape suspect, pinahirapan bago napatay?

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2016 11:51 AM

MANILA - Umaapela ng hustisya ang pamilya ng isang rape suspect na anila'y pinahirapan at sinaktan muna ng pulis bago napatay sa loob ng police mobile sa Caloocan.

Sa panayam ng DZMM Miyerkules, ikinuwento ni Pablo Dagsa na isinuko ng kanilang pamilya sa pulisya ang kanyang anak na si Pablo ''Jimboy'' Dagsa Jr. nitong Sabado matapos itong madawit sa panggagahasa sa isang babaeng kainuman.

Itinanggi anya ni Jimboy ang paratang kaya sinubukan nilang makipag-areglo sa biktima, pero hindi pumayag ang pamilya nito, lalo na ang tiyuhin nitong pulis, kaya pansamantalang ikinulong ang suspek.

Iginiit ni Pablo na habang nakakulong ay pinahirapan ang kanyang 26-anyos na anak sa pamamagitan ng panununtok dito at pag-ipit ng kutsara sa pagitan ng kanyang mga daliri.

"Sabi niya, 'Mama, Papa, 'wag niyo akong iwanan. Sinasaktan ako dito. Sinikmuraan na ako tapos ina-ano yung mga daliri ko ng kutsara,'" kwento ng ama.

'PUMALAG'

Linggo isinakay sa police mobile si Jimboy para dalhin sa korte. Hindi pinayagan ang kanyang mga pamilya na sumama sa anak, kaya sumakay sila sa hiwalay na police mobile.

"Walang nakaupo sa likod. Ipinakiusap namin na sasabay kami doon, hindi pumayag. Sinigawan iyung asawa ko, 'Hindi kayo pwede dito sumakay, doon kayo sa isang police patrol,'" ani Hermiliana Dagsa, ina ni Jimboy, sa hiwalay na panayam ng ABS-CBN News.

Nagulat na lang anya sila nang mahiwalay ang mobile ni Pablo at mabalitaan kinalaunan na napatay ito nang manlaban umano sa mga pulis.

"Nag-request itong suspek, kung maaari raw ay ilipat ang posas sa harapan. Noong inililipat, nagkaroon siya ng opportunity na i-grab iyung baril ng pulis natin. Nagpang-agaw na sila hanggang sa may pumutok, tinamaan na siya," paliwanag ni Caloocan police chief Supt. Reynante Ariza.

Iniimbestigahan na ng Caloocan police ang insidente pero wala silang nakikitang foul play sa ngayon.

Nagdu-duty pa rin ang mga police escort ni Jimboy na nakilala bilang sina PO3 Steven Sause, PO1 Donaciano Marin at PO1 Mark Anthony Motin.

INOSENTENG SUSPEK?

Bagama't aminadong hindi niya alam kung pumalag nga ang anak, nanindigan si Hermiliana na hindi totoong nanggahasa ang anak.

Katwiran niya, "Hindi naman siya nagtago e... Kung may kasalanan siya na malaki, magtatago siya."

Nasa punerarya pa ang labi ni Jimboy. Ike-cremate ito sa Sabado at hindi na ibuburol ng kanyang pamilya dahil sa takot para sa kanilang sariling buhay.

"Natatakot kami na baka paglamayan namin sa bahay, baka guluhin kami, paulanan kami ng bala," sabi ni Pablo.

Naulila ni Jimboy ang kanyang asawa at anak. -- May ulat ni Jeff Hernaez, DZMM