Taxi nahulog sa bangin sa Baguio City, drayber milagrong nakaligtas

Mae Cornes, ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 06:03 PM

Nahulog sa isang 50-talampakang bangin ang isang taxi sa Baguio City, Martes ng gabi.

BAGUIO CITY – Nahulog ang isang taxi sa isang 50-talampakang bangin sa Guisad Road, Badihoy Street, Martes ng gabi.

Laking gulat ng driver na si Rico Bagtang na nabuhay siya. Wala man lang siyang tinamong sugat.

“Akala ko patay na ako eh," ani Bagtang.

Ayon sa kanya, kahahatid niya lang sa kanyang asawa nang mangyari ang insidente.

“Nung bumalik ako, umulan nang kaunti, bumasa yan kahit magpreno ako aabante, nakaprimera naman ako eh biglang mabilis. Kinabig ko naman papunta dun tapos bigla tumalon dun,” aniya.

Ayon sa mga residente, talagang madulas ang kalsada kahit maambon lang. Marami na rin daw ang naaksidente sa lugar.

“Dapat ang gawin diyan hindi espalto dapat semento, madulas kasi espalto kung mabasa nang kaunti,” ani Sammy Bagtang, isang residente.

Dahil sa aksidente, hindi nakapasok ang mga motorista sa lugar hanggang Miyekoles ng tanghali.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.