SAPUL SA CCTV: Lalaking bumaba sa tricycle, nabangga ng SUV

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 09:16 PM | Updated as of Nov 01 2017 10:46 PM

Kumalat sa social media ang kuha sa CCTV ng insidente ng hit-and-run sa Barangay Roxas, Quezon City noong Oktubre 30.

Sa video, kabababa pa lamang ng isang lalaki mula sa tricycle nang mabangga siya ng dumadaang sports utility vehicle (SUV).

Tumilapon sa gilid ng kalsada ang lalaki.

Pero sa halip na huminto, tuloy lang ang takbo ng SUV na nakabangga sa lalaki.

Kinilala ang biktima bilang si Andre Ursais, 22 anyos, na nagtamo ng mga sugat at galos sa iba't ibang bahagi ng katawan.

"Sana bumalik ka man lang... kailangan talaga nating mag-usap kaya sana pakita ka na," panawagan ng biktima sa drayber ng SUV.

Ini-upload naman ni Duane Ursais, ama ng biktima, ang video ng hit-and-run sa kaniyang Facebook page noong Oktubre 31.

"'Yong initial [reaction] talaga is shock. Nag-sink in lang 'yong gano'n na parang nagalit ako noong nakita ko na ang actual CCTV footage dito sa barangay," sabi ng ama ng biktima.

Makikita rin sa kuha ng CCTV na nagbagal ang mga motoristang kasunod ng nakabanggang SUV pero hindi sila tumigil para tumulong.

Hindi na nakuhanan sa video, pero hinabol ng isang tricycle driver ang SUV ngunit nabigong abutan ito.

Ilang residente ang tumulong sa biktima hanggang sa dumating ang isang ambulansiya para dalhin siya sa ospital.

Nitong Miyerkoles, Nobyembre 1, naghain ng pormal na reklamo si Duane sa Quezon City Police District (QCPD).

"Ang maaari nating ikaso doon sa driver ay reckless imprudence resulting in damage to property with physical injury. Ang mabigat pa po rito is 'yong puwede siyang kasuhan po ng... Regarding sa abandonment of one's victim," ani Police Officer 3 Archie Buctuan.

Hinahanap na ng QCPD ang may-ari at nagmamaneho ng nakabanggang SUV.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.