Pinay, asawang foreigner, nawalan ng P20 milyon sa scam sa Baguio

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 12:49 PM

Labis ang panghihinayang ng isang French national at Pilipinang asawa nito matapos mauwi sa wala ang perang kanilang ininvest sa isa umanong real estate company sa Baguio City.

Taong 2012 nang ayain ang biktimang si alyas "Lizette" na mag-invest ng isang babae na parte daw ng nasabing korporasyon.

"Humihingi sila ng mga pera sa amin, so in short kami yung taga-finance ng property na pinut up ng Santorini Summer Corporation," ani Lizette.

Pinangakuan sila nito na magiging kasosyo sa mga lupang maibebenta at magkakaroon pa ng sarili nilang bahay at condominium bilang parte ng korporasyon.

May mga pinirmahan silang kasunduan sa harap pa mismo ng isang abogado kung kaya't hindi raw nila naisip noong una na naloloko na pala sila.

Nag-umpisa lamang silang maghinala nang sunod-sunod na ang paghingi ng babaeng kasosyo nila.

Laking dismaya ni Lizette nang makitang walang opisina ang korporasyon at sa halip ay isang salon ang nag-ooperate sa ibinigay na address.

"Pumunta ako sa Session Road, only to find out na it's a parlor pala, ilang taon naming binabayaran yung renta at yung Santorini, nasa isang table lang pala siya. Tapos yung business permit, hindi Santorini Summer Corporation," hinaing ng biktima.

Sa pag-asang magiging maayos pa ang lahat, nilakad nila ang mga legal na papeles para maging operational ang korporasyon.

Humingi rin daw ng dispensa ang babae at nangakong babayaran ang mag-asawa ng isang bahay. Tumulong pa sila sa mismong construction nito.

Pero laking gulat nila pag-uwi ng bansa nang malamang may iba nang may-ari at nakatira sa tapos nang bahay.

Kwento ng mga nakatira sa lugar, may iba silang usapan ng babaeng nangbiktima kila Lizette. Hindi raw nito nabayaran ang bahagi ng gastos kung kaya't wala na itong hawak sa bahay at lupa.

Dito na din nalaman ni Lizette at kaniyang asawa na peke ang titulo ng lupang ibinigay sa kanila ng babae. Ang masaklap, kumpleto ang mga pirma nito at sinertipikahan pa ng abogado.

Kwento ng mag-asawa, hindi nila inakalang hahantong sa ganito ang sitwasyon lalo pa't naging bahagi ng pag-proseo sa mga dokumento ang isa sa mga opisyal ng lungsod na si Councilor Elmer Datuin.

"Noong nalaman ko na may isang councilor na board member, edi pumayag ako," ani Lizette.

Ipinakita nila ang mga sulat kamay ni Datuin na kasundunan, mga nilagdaan nitong papeles at kopya ng sagutan nila sa email.

Pero ayon kay Datuin, hindi siya naging bahagi ng alinman sa mga transaksyon kundi tinulungan lamang ang babaeng lumapit sa kaniyang tanggapan.

Hindi kumbensido rito si Lizette at kaniyang asawa lalo pa't marami silang hawak na dokumentong nagsasabing bahagi si Datuin ng korporasyon.

Hindi naman itinanggi ni Datuin ang pagiging bahagi ng korporasyon. Pero wala raw siyang kinalaman sa usaping negosyo ng dalawa.

"Siyempre as one of those who gave assistance, [they asked if] pwede [akong] gawing member of the board. O sige, wala namang problema pero hanggang doon na lamang," depensa ni Datuin.

Nasa mahigit P20 milyon ang kabuuang halaga ng perang nakuha sa kanila ng babae na ngayo'y nagtatago na.

Nagsampa sila ng pormal nq reklamo at ngayo'y may warrant of arrest na para sa babae.

Ito'y matapos silang sumulat sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hiling nila, magpakita na ito at maibalik ang perang pinaghirapan nila.

Payo rin nila sa mga may balak mag-invest sa real estate, huwag magtitiwala kaagad at tiyaking lehitimo ang mga dokumentong ibinibigay ng katransaksyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.