Libreng text, tawag para sa mga 'bakwit' ng Marawi sinimulan

ABS-CBN News

Posted at Nov 01 2017 03:46 PM

Ang evacuation center sa Maria Cristina, Iligan City. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MANILA - Iniutos ng National Telecommunications Commission (NTC) ang pagbibigay ng serbisyong libreng text at tawag para sa mga 'bakwit' mula sa Marawi City na pansamantalang nanunuluyan sa mga lungsod ng Cagayan de Oro at Iligan.

Ayon sa NTC, ang libreng text at tawag ay sinimulan nitong Martes at tatagal ng pitong araw. Lahat ng gastusin na kaugnay ng nasabing serbisyo ay manggagaling sa pondo ng NTC Region 10.

Ang serbisyo ay ipinapatupad sa limang evacuation centers sa Iligan City- Kanaway Evacuation Center sa Tibanga, Sta. Elena Gymnasium sa Sta. Elena, Buru-an School of Fisheries at Buru-an Gymnasium sa Buru-an, at ang Maria Cristina Gym sa Maria Cristina- at sa Indahag Evacuation Center sa Cagayan de Oro City. 

Ang libreng text at tawag na hatid ng NTC ay kasabay ng unti-unting pagbabalik ng ilang bakwit na nanuluyan sa iba't ibang karatig-lugar ng Marawi sa gitna ng labanan ng mga tropa ng gobyero at mga terorista sa siyudad na inabot ng limang buwan.

Matatandaang idineklara ni Defense Secretary Delfin Lorenzana noong nakaraang linggo ang pagtatapos ng combat operations sa lungsod. 

Hindi bababa sa 1,100 ang namatay at higit 200,000 residente ng Marawi ang kinailangang lumikas dahil sa kaguluhan.

Ikinakasa na ng gobyerno ang programa para sa rehabilitasyon ng siyudad, kung saan malawakan ang pagkasira ng mga kabahayan at mga gusali.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.