Suspek sa pagpatay sa Grab driver, hindi bumaba sa destinasyon

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 12:15 AM | Updated as of Oct 31 2017 08:40 AM

Nagpahatid sa Pasay pero hindi umano bumaba sa destinasyon ang pasaherong ngayo'y suspek na sa pagpaslang sa isang Grab driver noong Huwebes, Oktubre 26. 

"'Yong ating suspect na siya ring pasahero, ay sumakay ito sa may bandang San Juan at nagpa-drop nga ito rito sa Pasay... Hindi ito bumaba sa point of destination niya," ani Supt. Gene Licud, deputy for operations ng Pasay City Police.  

Nakuhanan pa sa CCTV ang pag-alis ng Toyota Innova na pag-aari ng biktimang si Gerardo Maquidato, Jr. sa Pasay City.

Kalauna'y natagpuang patay si Maquidato sa gilid ng bangketa dahil sa tama ng bala sa ulo. Tinangay naman ang kaniyang sasakyan.

Noong una'y palaisipan sa mga pulis kung sino ang natagpuang bangkay pero nagkaroon ito ng pagkakakilanlan matapos lumutang ang misis ng biktima, na nakilala ang sasakyang ipinakita sa telebisyon.

Nitong Lunes, Oktubre 30, ibinigay sa mga pulis ng Pasay City ang transaction records ni Maquidato sa Grab. 

Patuloy rin ang follow-up operation na isinasagawa ng mga pulis kasama ang Highway Patrol Group Task Force Limbas upang matunton ang sasakyan ni Maquidato.

GOOD SAMARITAN DRIVER

Dati nang nag-viral sa social media si Maquidato matapos hindi pagbayarin ang pasaherong may sakit.

Kinilala ang pasahero bilang si Prima, na may diabetes at nagpahatid kay Maquidato sa isang ospital noong 2016 para kumuha ng dugo para sa kaniyang dialysis.

Ngunit hindi na siningil ni Maquidato si Prima.

Kumalat sa social media ang pasasalamat ni Divine Ornum, kapatid ni Prima, sa kabutihan ng driver.

Kaya parang nawalan din ng kapamilya si Divine nang matuklasan ang sinapit ni Maquidato.

Dahil sa kabaitan, pinarangalan noon ng Grab Philippines si Maquidato.

Ngayon, nag-aalok ang Grab Philippines ng P100,000 pabuya sa sinumang makapagtuturo sa pumatay sa itinuturing na huwarang driver. -- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.