Mistaken identity sinisilip sa Davao ambush kung saan 2 ang patay

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 03:41 PM

Dalawa ang patay habang pito ang sugatan matapos tambangan ng mga armado ang isang truck sa Kiblawan, Davao del Sur noong Linggo ng gabi, Oktubre 29. 

Pauwi na sana ang mga biktima, na pawang mga estudyante at sibilyan, galing Damsu Festival sa Kiblawan nang paputukan ng mga salarin.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, mahigit 40 ang sakay ng truck nang mangyari ang insidente.

Tumagal umano ng halos 30 minuto ang pamamaril ng mga gunman sa madilim na bahagi ng kalsada. 

Nasawi sina Jimboy Lingkanay, isang 15 anyos na estudyante, at Nerbet Malanson.

Hinala ng ama ni Jimboy na si Balansenan Lingkanay, mga bandido ang salarin sa insidente.

"Mga bandido ang pumatay sa anak ko. Bakit nila pinatay wala namang kasalanan? Nagsusumikap akong mapagtapos siya," hinaing ni Lingkanay. 

Dinala ang mga sugatan sa Davao Del Sur Provincial Hospital at Southern Philippines Medical Center sa Davao City. 

Nakuha ng pulisya ang mga basyo ng Garand at carbine rifle na pinaniniwalaang ginamit sa pamamaril. 

Pero hinala ng mga awtoridad, napagkamalan lang ang grupo at ang talagang target ng ambush ay mga militar. 

"Anticipated siguro ng namaril na government troops ang pumasok sa lugar. Pasala 8:00 pm na 'yun at malakas ang ulan nang pinaulanan sila ng bala," ani Senior Insp. Erich Von Requilman, hepe ng Kiblawan police station. 

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga namaril.

-- Ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.