Lalaking nagpapanggap bilang pulis, arestado sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 08:55 PM

Arestado nitong Lunes ang isang lalaki matapos magpanggap na isang pulis sa Talisay City, Negros Occidental.

Ayon sa pulisya, minanmanan nila si Sundar Guzman, 42, sa loob ng isang buwan matapos makatanggap ng impormasyon na nagpapakilala ito bilang isang Senior Police Officer 3.

Nahuli si Guzman na nakasuot ng uniporme ng pulis at may kalibre .45 na baril sa Kapitan Sabi Extension, Barangay Zone 12, ayon kay Supt. Adonis Rosales, hepe ng Talisay City Police.

Hinamon umano ni Guzman si Rosales na suriin ang Philippine National Police (PNP) roster dahil miyembro raw siya ng Police Regional Office 6 Intelligence Division.

Hindi lumabas ang pangalan ni Guzman sa PNP roster. Hindi rin nakapagbigay ang suspek ng dokumento para sa kaniyang mga armas.

Ayon kay Guzman, isa umano siyang miyembro ng PNP na nakatalaga sa Mindanao pero siya ay nag-'absent without leave'.

Nahaharap si Guzman sa mga kasong illegal possession of firearms, usurpation of authority, at illegal use of uniform and insignia. --Ulat ni Barbara Mijares, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.