Ilang sundalong nasawi sa Marawi, ginunita sa Libingan ng mga Bayani

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 11:43 PM

Binisita sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) ng mga kaanak at kaibigan ang mga puntod ng mga sundalong nasawi sa kalagitnaan ng bakbakan sa Marawi. 

Mula sa higit 100 sundalong nasawi sa Marawi, 13 na ang nakalibing sa LNMB. Isa roon ang asawa ni Aissa Lape na si Corporal Domimar Lape. 

Aminado si Aissa na hindi pa rin niya natatanggap ang pagkawala ng mister, dalawang buwan na ang nakalilipas mula nang iuwi ang bangkay nito.

Pakiramdam ni Aissa, nawala ang kalahati ng kaniyang buhay nang pumanaw ang asawa.

Nagbigay-pugay din ang mga kasamahang sundalo ni Corporal Lape sa kaniyang puntod sa LNMB.

Nasawi rin sa Marawi si Private First Class Ken Dalogdog, na dinalaw ng kaniyang pamilya.

Ayon sa kapatid ni Dalogdog, tanggap na ng kanilang pamilya na bahagi ng pagsisilbi ng isang sundalo ang pagbubuwis ng buhay para sa bayan.

Kasamang nakahimlay sa LNMB ng mga sundalong nasawi ang apat na dating Pangulo na sina Elpidio Quirino, Carlos Garcia, Diosdado Macapagal, at Ferdinand Marcos.

Naging kontrobersiyal pa ang paglilibing kay Marcos sa pambansang sementeryo noong nakaraang taon.

[PAGLILIBING KAY MARCOS - http://news.abs-cbn.com/news/11/18/16/late-dictator-marcos-buried-at-libingan-ng-mga-bayani]

Atraksiyon sa mga bisita ng LNMB ang puntod ng mga dating Pangulo.

Mahigit 100,000 katao ang inaasahang dadagsa sa LNMB.

Paalala ni Col. Edmundo Suficienca, ipinagbabawal sa LNMB ang pagdadala ng mga patalim, alak, at ang labis na pag-iingay.

Mahigpit umano ang seguridad ngunit basta sumunod sa mga patakaran ay magiging matiwasay ang pag-alala sa mga itinuturing na bayani ng bansa.

-- Ulat nina Ron Gagalac at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.