Ilang bakasyonista sa La Union, arestado dahil sa marijuana

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 03:19 PM | Updated as of Oct 31 2017 05:44 PM

Imbes na mag-enjoy sa Surfing Break sa San Juan, La Union, sa kulungan ang bagsak ng magbabarkada dahil sa paggamit umano ng marijuana. 

Nahuli umanong gumagamit ng marijuana ang isang grupo ng mga bakasyonistang nakikisaya sa La Union Surfing Break, alas-11 ng gabi noong Sabado, Oktubre 28.

Ito'y matapos makatanggap ng sumbong ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1 mula sa isang barangay intelligence.

"May isa pong nag-text sa amin na mula barangay intelligence... 'Vinalidate' po namin [and] upon seeing sa tent nila, nagpapasahan sila ng sigarilyo, malayo pa lang amoy marijuana na," ayon sa isang opisyal ng PDEA. 

Nadiskubre sa kanilang tent ang hinihinalang dried marijuana leaves na nakalagay sa plastic, mga kandila at smoking pipe.

Labintatlo ang kabuuang bilang ng mga kasama sa grupo at ang mga ito ay nagmula pa sa iba't ibang lalawigan. Ngunit napawalang-sala ang apat matapos magnegatibo sa drug test.

Nasa kustodiya pa rin ng PDEA Region 1 ang mga nahuli na haharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Dahil sa insidente, maghihigpit ang mga lokal na awtoridad sa pagbabantay ng mga tourist destination gaya ng San Juan. -- Ulat ni Teomar Bautista, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.