6 sundalo, iniimbestigahan dahil sa Marawi 'looting'

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 06:35 PM

Isinapubliko ng militar ang mga gamit na nabawi mula sa main battle area ng Marawi na umano'y tinangay ng mga teroristang Maute mula sa mga bahay ng mga residente. Fernando G. Sepe Jr., ABS-CBN News

Iniimbestigahan tungkol sa "looting", o pagtangay ng mga gamit, ang anim na sundalong nadestino sa Marawi.

Ayon kay Colonel Romeo Brawner, deputy commander ng Joint Task Group Ranao, isang opisyal at limang tauhan ng Philippine Army ang sinisiyasat ngayon kaugnay nito.

Aniya, nangyari ang looting noong kasisiklab pa lang ng gulo sa Marawi.

"The commander of these troops ordered his men to return these items. So these men returned these items to the houses. These were just a few items, sir. But just the same, they were taken out of the war, all the operations here in Marawi city, and they have been investigated," ani Brawner.

Hindi muna pinangalanan ang mga iniimbestigahang sundalo.

"The important thing is, the Armed Forces and the police do not really tolerate these acts of our men," dagdag ni Brawner.

Nabawi rin ng militar mula sa main battle area ang ilang gamit na kinuha umano mula sa mga bahay ng mga residente ng teroristang Maute noong kainitan ng bakbakan.

Kabilang sa mga nabawi ang pera, alahas, at appliances tulad ng TV at electric fan.

"May wristwatches, mayroon na nga pong 'Rolex' doon e, gold 'Rolex' na wristwatches, may mga bracelet, jewelry, cash na P300,000," paglalarawan sa mga nabawing gamit ni Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng Lanao del Sur provincial crisis management committee.

Ayon kay Adiong, kailangan lang magpakita ng patunay ng mga may-ari na sa kanila ang mga nabawing gamit at ibabalik agad sa kanila iyon.

"They only need to show proof of ownership dito sa items na na-recover," ani Adiong.

Dati nang sinabi ng mga awtoridad na iimbestigahan nila ang mga alegasyon ng looting mula sa hanay ng pulisya at militar.

Nauna na ring sinabi ng militar na ginagamit ng Maute ang mga bihag nito at pinupuwersang mag-loot sa mga bahay.

Mayroon ding nahuli noong dalawang sibilyan na tumatangay ng gamit mula sa mga bahay sa Marawi.

Dati ring nag-padlock ng mga bahay sa Marawi ang militar para mapigilan ang looting sa mga tirahang idineklarang "cleared" o wala nang nagtatagong terorista.

Tinatayang 200,000 residente ang lumikas sa Marawi nang sumiklab ang gulo roon noong Mayo 23.

Samantala, napatay ng militar ang isang lalaking hinihinalang konektado sa mga terorista nito lang Martes, Oktubre 31.

Ayon kay Brawner, napaengkuwentro ang lalaki habang tinatangkang tumakas mula sa main battle area ng lungsod.

Walang sugatan na sundalo mula sa insidente.

Tuloy pa rin ang pagtitiyak ng militar na wala nang naiwang "stragglers" na maaaring mga tagasuporta o mismong miyembro ng teroristang grupo.

Inabisuhan din ang publiko na manatiling mapagmatyag, lalo na't nagsimula nang mag-uwian ang ilang "bakwit" sa mga barangay na pinayagan nang pasukin.

-- May ulat nina Kori Quintos at Jun Sepe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.