2 patay, 3 sugatan sa rambol sa Minalabac, Camarines Sur

Jessa Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 06:31 PM

Nauwi sa rambol ang sayawan para sa pista ng Our Lady of Salvation sa Barangay Bagolatao, Minalabac, Camarines Sur, Lunes ng madaling araw. 

Patay ang 30-anyos na pahinante ng truck na si Kleynard Lozares at isang liaison officer ng isang law firm sa Maynila na si Nixon Francisco, 33 anyos. 

Sugatan naman at patuloy na nagpapagaling sa ospital ang tatlo pang lalaki na kinilalang sina Mark Tabirao, Dario Oco, at Vincent Ongga.

Ayon kay Manuel Oco, punong tanod ng barangay, nagbabatuhan na ng mga bote at upuan nang sila ay rumesponde. Wala na rin umano silang nagawa dahil may patalim na dala ang ilang nasa sayawan.

Hindi naman agad nakapunta ang pulisya ng Minalabac dahil maliban sa 15 kilometro ang layo nito, mabukid at delikado ang lugar.

Kahit ang mga residente, blangko umano sa pinagsimulan ng away pati kung sino ang nasa likod ng pananaksak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.