Lalaking nakakita umano ng multo, nagpaputok ng baril

Hajji Kaamiño, DZMM

Posted at Oct 30 2016 09:15 AM

MANILA - Inaresto ang isang lalaki makaraan umanong makakita ng multo at magpaputok ng baril sa tapat ng isang bus terminal sa Tramo, Pasay City, Sabado ng gabi. 

Kinilala ang suspek na si Rodel Jamison, 36-anyos na body guard. 

Kwento ng isang saksi, dakong alas-9:30 ng gabi nang bigla na lamang umanong naglabas ng kalibre .45 na baril ang suspek at nagpaputok ng limang beses. 

Tinamaan ng bala ang nakaparadang Toyota Vios ni Perlita Sevilla na tinutukan din umano ng baril ni Jamison. 

Agad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng police community precinct 7 at regional Public Safety Batallion, ayon kay Superintendent Mark Anthony Andrade. 

Hinabol nila ang suspek hanggang sa makorner ito sa bahagi ng EDSA. 

Inamin naman ni Jamison na lasing siya, pero iginiit din niyang nakakita siya ng mga multo kaya siya nagpaputok. 

Posibleng maharap ang suspek sa kasong alarm and scandal at damage to property.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.