'Sumikat at namatay dahil sa pasahero': Biyuda ng Grab driver, nanawagan ng hustisya

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2017 06:52 PM | Updated as of Oct 29 2017 07:21 PM

Nanawagan para sa katarungan ang pamilya ng Grab driver na pinatay ng hindi pa nakikilalang salaring nagpanggap na pasahero.

Hindi pa rin matanggap ni Maximiana Amolanto, ina ng biktimang si Gerardo Amolato Maquidato Jr., ang malagim na sinapit ng kaniyang anak noong Huwebes, Oktubre 26.

"Napakahayop 'yong ginawa niya," ani Amolanto.

Maghahatid lang sana ng pasahero sa Pasay si Maquidato nang barilin siya sa ulo ng kaniyang sakay.

Kuwento ng ilang testigo, bigla na lang itinapon ang bangkay ni Junjie sa gilid ng kalsada bago tangayin ang kaniyang sasakyan.

Kinutuban umano ang asawang si Brenda nang magdamag na hindi umuwi ang biktima.

Isang tama ng bala ang nakapatay sa biktima.

Viral

Noong isang taon, nag-viral pa sa social media si Maquidato matapos hindi pagbayarin ang pasaherong may sakit.

"Sumikat siya sa Grab dahil sa pasahero niya pero namatay din siya dahil sa pasahero niya," ani Brenda.

Kinondena naman ng Grab Philippines ang insidente.

Nakikipagtulungan na ang kompanya sa imbestigasyon, lalo na't kaya namang mahanap sa Grab app ang contact number ng mga sumasakay sa partner drivers nito.

Ayon kay Brian Cu, country head ng Grab Philippines, mag-aabot sila ng tulong pinansiyal sa naiwang pamilya ni Maquidato.

Patuloy na tinutukoy at tinutugis ng mga pulis ang salarin.

Kumikilos na rin ang Highway Patrol Group at Anti-Carnapping Unit ng Philippine National Police para mahanap ang tinangay na sasakyan.-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.