P800K halaga ng shabu nasabat sa raid sa CamSur; 4 na suspek timbog

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2017 06:16 PM | Updated as of Oct 29 2017 06:45 PM

Photo courtesy of PDEA

BAAO, Camarines Sur - Kulang-kulang P800,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa dalawang magkakasunod na raid, Sabado, na nagresulta rin sa pagkakaaresto ng apat na suspek.

Kinilala ang mga suspek na sina Leo Peyra, pamangkin ng kilalang negosyante sa probinsiya; Romeo Guevarra, alyas "Amang"; Christian Bañaria alyas "Chano"; at isang Ryan Medialdea na nagpakilala pang pamangkin ni Executive Secretary Salvador Medialdea. 

Ikinasa ng mga awtoridad ang raid sa isang hotel sa Barangay La Medalla at sa isa namang bahay sa Barangay Santa Teresita. 

Photo courtesy of PDEA

Ayon sa PDEA, ang kanilang mga naaresto ay kilalang supplier ng ilegal na droga sa ikalimang distrito ng Camarines Sur at sa Naga City. Maaari anilang bultuhan ang transaksiyon ng mga ito dahil mahaba ang bakasyon ngayong Undas.

Samantala, sa isang pahayag ngayong Linggo, itinanggi naman ni Executive Secretary Medialdea na kamag-anak niya ang nahuling suspek, gaya ng pakilala nito. Sabi ni Medialdea, ni hindi niya kilala ang taong ito. -- kasama ang ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News