Libo-libo, nagsimula nang dumalaw sa mga sementeryo

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2017 09:15 PM

Bago pa man ang mismong Araw ng mga Patay, dagsa na ang mga taong bumibisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Nasa 50,000 na ang bilang ng mga tumungo sa Manila North Cemetery bandang ala-1 ng hapon nitong Linggo, ayon sa pamunuan ng sementeryo.

Kaunti pa ito sa inaasahang 2 milyong bibista mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2.

Kapansin-pansin naman sa entrada ng sementeryo ang isang mala-halimaw na basura na si "Hallowaste Monster."

Likha ito ng environmental group na EcoWaste Coalition upang makuha ang atensiyon ng mga bisita at iparating na pambabastos sa patay ang pagkakalat ng basura.

"Tuwing may Undas, tuwing Pasko, tuwing Bagong Taon, tuwing may okasyon, doon din dumarami ang basura," reklamo ni Daniel Alejandre ng EcoWaste Coalition.

Umaasa ang grupo na magiging masinop ang mga bibisita sa sementeryo at iiwasan ang pagkakalat, o kaya nama'y liligpitin at itatapon ang kanilang basura.

Samantala, bumuhos na rin ang mga taong bumisita sa Manila South Cemetery.

May mga pamilyang maagang dumalaw para iwas-siksikan sa mismong bisperas at araw ng Undas.

Mabigat na rin ang trapiko sa mga dumadalaw sa Loyola Memorial Park sa Marikina, kaya mahigpit na ang mga traffic enforcer sa pagpapatupad ng trapiko.

Nagsimula na ring dumagsa ang mga tao sa iba't ibang sementeryo sa Cagayan de Oro at Iligan City.

Nagbabala rin ang pamunuan ng mga sementeryo na mahigpit nang ipagbabawal ang pagdala ng mga pintura, thinner at iba pang gamit panglinis ng mga puntod simula Oktubre 31.

Huling rehearsal ng ASEAN convoy

Nagkasabay ang mga bumibiyahe para sa Undas at huling dry-run ng convoy para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN Summit) sa North Luzon Expressway (NLEX) nitong Linggo.

Tuloy-tuloy lang ang takbo sa NLEX ng 22 sasakyang naka-convoy mula sa Clark, Pampanga.

Pero pagsapit sa Quezon City, naipit ang convoy sa trapiko, mula Edsa-Muñoz Southbond hanggang sa bahagi ng Camachile.

Dami ng sasakyan ang tinitingnang sanhi ng trapiko.

Inaasahan sa Lunes na lalaki pa ang bilang ng mga sasakyang bumibiyahe sa mga kalsada ng Quezon City, lalo na sa hapon at gabi.

Payo sa mga motorista na lumuwas ng umaga para hindi abutan ng rush hour.

Nagsimula na ring bumuhos sa mga pantalan at bus terminal nitong Linggo ang mga pasaherong pauwi sa mga probinsya para sa Undas.

-- Ulat nina Jerome Lantin at Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.