Higit 3,000 bakwit, nakauwi na sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Oct 29 2017 06:40 PM

Higit 700 pamilya o nasa 3,000 indibiduwal ang nagsibalikan sa Barangay Basak Malutlut sa Marawi nitong Linggo.

Tanging mga residente ng Barangay Basak Malutlut lang ang pinayagang muling makabalik dahil ito pa lang ang barangay na nakakumpleto sa mga requirement ng lokal na pamahalaan.

Maaga pa lang ay nakapila na ang sinasakyan nina Zaalika Pabi sa assembly area sa Iligan City para sabay-sabay silang ihatid pabalik ng lungsod.

Hindi napigilan ni Pabi na lumuha dahil makababalik na siya sa kaniyang tahanan makalipas ang limang buwan.

"Salamat, mabuhay 'yong mga sundalo... masaya kami, nakabalik kami sa bahay namin," ani Pabi.

Para sa ibang residente, hindi mapapantayan ang kaligayahang nararamdaman sa kanilang pagbalik.

Pagdating sa bungad ng Marawi City, mahigpit ang pag-check sa mga papasok na bakwit.

Nanghina ang isang babae dahil sa sobrang init habang naghihintay papasukin. Kinailangan pa siyang akayin para mabigyan ng lunas at hindi atakihin ng heat stroke.

May mga residente ring hindi pinayagang makapasok dahil hindi nakatira sa Barangay Basak Malutlut.

Mayroon na ring kaniya-kaniyang araw na itinakda para sa pagbalik ng mga residente ng ibang barangay. 

Magsisimula ang schedule ng iba pang magbabalik sa Marawi sa Oktubre 31.-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.