'Notoryus' na nagbebenta umano ng 'party drugs' arestado

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Oct 28 2017 05:31 PM | Updated as of Oct 28 2017 06:12 PM

"Party drugs" na nakumpiska sa isang operasyon sa Quezon City. Screengrab

MANILA - Arestado ang magkarelasyong sina Jerome Cheng at Phil Angelo matapos mahulihan ng mahigit 100 hinihinalang ecstasy capsules at tablets, liquid ecstasy at marijuana sa kanilang bahay sa Brgy. Sacred Heart, Quezon City.

Tinatayang nasa P300,000 hanggang P500,000 ang halaga ng mga nasamsam na ilegal na droga.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), mga pumupunta sa bar at mga estudyante ang parokyano ni Cheng. 

"Party drugs" na nakumpiska sa isang operasyon sa Quezon City. Screengrab

"He (Cheng) is a well-known supplier of ecstasy and marijuana capsules sa Metro Manila... Notorious. We received reports na nage-employ [siya] ng tao na ine-enroll sa universities for 2 to 3 subjects para maghanap ng potential market doon," saad ni Levi Ortiz, direktor ng PDEA Special Enforcement Service.

Depensa ni Cheng, na aminadong gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga, mga kaibigan lang umano ang kliyente niya. 

Itinanggi niya ring pag-aari niya ang lahat ng drogang nakumpiska sa bahay niya. 

"Party drugs" na nakumpiska sa isang operasyon sa Quezon City. Screengrab

"Eto lang 'yung akin. Less than 10. Hindi na akin 'yung iba. God knows," depensa ng suspek. 

Wala rin daw kinalaman ang partner niya sa pagbebenta ng ecstasy. 

Nang tanungin si Angelo kung alam niya ang bentahan, tumango ito pero maya-maya ay binawi rin. 

Ayon sa PDEA, ini-import ng suspek ang ecstasy sa abroad. 

"Initial report is 'yung ecstasy ini-import from abroad through dark net using bitcoins," rebelasyon ni Ortiz.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act si Cheng.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.