Tulong, pagsasanay para sa mga 'bakwit' na pabalik sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2017 08:52 PM

Nagsasagawa ng iba't ibang livelihood training ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa mga lumikas mula sa giyera sa Marawi City o mga 'bakwit' sa maraming evacuation centers upang may pagkakitaan ang mga ito oras na makauwi na sa kanilang tahanan. 

Dalawang linggo nang inaaral ni Amor Saavedra ang pananahi sa ilalim ng dressmaking course sa TESDA. Dati siyang may tindahan sa Barangay Saber pero nasunog ito kaya naghahanap siya ng bagong hanapbuhay.

Nasa 30 silang mga babaeng bakwit mula sa Maria Christina evacuation center na tinuturuan ng TESDA. Bukod pa riyan, mayroon din silang tig-P100 kada araw na allowance kapag may training. 

Halos lahat sa kanila, wala nang babalikan na pagkakakitaan. 

"Malaking tulong ang nakukuha namin kasi kung babalik kami du'n, kung marunong na kami dito, may magpatahi na sa'yo, may hanapbuhay na," ani Saavedra. 

Bukod sa dressmaking, itinuturo rin ang pagwe-welding, bread- and pastry-making, food processing, electrical installation maintenance at masonry. 

'Business as usual'

Samantala, bukas na ang ilang establisyimento sa Marawi gaya ng mga tindahan at kainan.

"Suwerte kasi kahit papano may nabebenta tayo, may mga customer hindi tulad dati na walang tao," sabi ng negosyanteng si Abdul Majid Tahe. 

Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), 
hindi pababayaan ang mga residente na babalik na sa kanilang mga tahanan. 

Bukod sa P4,000, bibigyan din sila ng mga makakain sa unang 18 araw. 

"Bibigyan natin sila ng isang sako ng bigas, at bibigyan din ng karapatdapat na mga de lata," ani Emmanuel Leyco, OIC secretary ng DSWD.

Ayon naman kay Office of Civil Defense Assistant Secretary Toby Purisima, nasa 6,000 mga residente na ang unti-unting bumabalik sa Marawi. 

Inaasahan pang madaragdagan ito sa mga susunod na araw sa pagbubukas ng ilan pang mga barangay. 

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.