Trak, pumapangalawa sa motorsiklo sa bilang ng mga patay sa aksidente

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2017 11:03 PM | Updated as of Oct 27 2017 11:54 PM

Pumapangalawa ang mga truck accidents sa listahan ng may pinakamataas na bilang ng mga namatay sa Metro Manila noong nakaraang taon, base sa pag-aaral ng ABS-CBN Investigative and Research Group.

Base sa datos na nakalap at sinuri ng ABS-CBN Investigative and Research Group mula sa Metropolitan Manila Development Authority, dumami ang bilang ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga trak sa Metro Manila mula 2010. 

Noong 2016, halos 20,000 trak ang nasangkot sa higit 100,000 road crashes.

Pumapangalawa naman ang trak sa motorsiklo kung bilang ng mga namatay naman ang titingnan.

Human error at mechanical defect tulad ng sirang preno at pagsabog ng gulong ang karamihan sa mga itinuturong sanhi ng aksidente.

Para maiwasan ang ganitong insidente, balak ng Land Transportation Office (LTO) na baguhin ang pamantayan sa pag-issue ng mga lisensiya sa pamamagitan ng pagdagdag ng ‘vehicle-specific questions’ sa exam. 

“’Yung hinihingi na experience, hinihingi na tagal ng pagda-drive, dadagdagan pa natin ang requirement. Hindi naman ito pahihirapan. Ine-estimate natin ‘yung capability niya na kaya niyang mag-drive ng vehicle na intended na gamitin niya,” ayon kay LTO chief Ed Galvante.

Higit sa lahat, nais tiyakin ng LTO na responsable at maingat ang mga driver na bibigyan ng lisensya dahil buhay din nila at ng ibang tao ang nakataya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.