Roxas, Drilon, Mabilog, iniuugnay sa drug trade sa Negros

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2017 12:12 AM

Isinasangkot ng tauhan ng isang napaslang na umano'y drug lord na si Melvin Odicta sina Senador Franklin Drilon, dating kalihim at Senador Mar Roxas, at Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog sa drug trade sa Negros.

Base sa affidavit ni Ricky Serenio, na tinawag ang sarili na "paymaster" sa drug trade sa Bacolod City, papalitan umano nina Roxas at Drilon ang grupong kumokontrol sa ilegal na droga sa Negros.

Nakausap aniya ni Serenio si Odicta noong 2015 at sinabihan siya ng planong pag-penetrate umano ni Roxas at Drilon sa drug trade sa Negros.

Sinabi rin ni Serenio na si Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog ang protektor ni Odicta dahil pamangkin si Mabilog ni Drilon.

Dagdag pa ni Serenio, matutuloy ang umano'y plano nina Roxas at Drilon sa Negros kung hindi nanalong pangulo si Duterte.

Sa isang statement, sinabi ng Liberal Party (LP) na ang mga alegasyon ni Serenio ay patunay na "all out" ang administrasyong Duterte para i-"demonize" o palabasing masama ang partido Liberal sa mata ng publiko at malihis ang atensiyon sa tumataas na presyo ng bilihin, extrajudicial killings, korupsiyon, at drug smuggling sa Bureau of Customs.

Sina Drilon at Roxas ay mga miyembro ng LP habang si Mabilog ay kaka-resign lang sa partido.

Kinuwestiyon din ng LP ang paggamit umano sa mga kuwestiyonableng testigo tulad ng nangyari kay Senador Leila de Lima na nakakulong ngayon dahil din sa kasong droga.

Sa isang hiwalay naman na pahayag, sinabi ni Roxas na wala siyang pakikipag-ugnayan kina Serenio at Odicta. 

Tumanggi namang magsalita tungkol sa affidavit si Vice President Leni Robredo, ang chairman ng partido.

-- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.