Dinukot na magkapatid, nakabalik na sa pamilya

Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2017 11:05 AM

BAROTAC VIEJO, Iloilo - Ligtas na nakabalik sa kanilang pamilya ang dalawang magkapatid na dinukot ng mga armadong kalalakihan Huwebes ng hapon.

Alas-3:30 ng madaling araw ng Biyernes nang makapunta sa Barotac police station ang 20-anyos na si “Noy-noy”, at 15-anyos na kapatid na si “Jan-jan”.

Sa inisyal na pahayag na ibinigay nila sa pulisya, pinalaya umano sila ng armadong grupo sa Barangay Vista Alegre ng hatinggabi. Hindi naman daw sila sinaktan.

Sabi ng kanilang ina, abala siya sa pagaayos ng hapunan nang biglang pumasok sa bahay ang armadong grupo na hinahanap ang kanyang asawa. Hindi pa nakakauwi sa trabaho bilang construction worker ang kanyang asawa, sabi niya.

Dahil dito, ang dalawa niyang anak ang tinangay ng mga suspek.

Hindi daw niya mamukhaan ang mga ito dahil may takip ang kanilang mga mukha.
 
Pero naniniwala siya na may kinalaman ito sa insidente ng pamamaril ilang buwan na ang nakalipas na iniuugnay umano ang kanyang asawa. Paliwanag niyang walang kinalaman ang kanyang asawa sa nasabing insidente.

Pinagpahinga na muna nina Chief Inspector Joeven Arevalo ang magkapatid at bibisitahin nila muli upang makakuha pa ng karagdagang impormasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.