Bilang ng kasong panggagahasa sa Baguio, nakaaalarma: PNP

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2017 05:27 PM

Bumaba raw ang kaso ng panggagahasa sa bansa sa pag-upo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang.

Ayon sa datos ng Department of Interior and Local Government-National Police Commission (DILG-Napolcom) na nakuha nila sa pulisya, 30% ang natapyas sa dami ng kasong rape sa bansa.

"We all know for a fact that many rape cases have a connection with drug users. Marami sa mga perpetrator ay gumagamit ng drugs. So base sa istatistika ng ating Philippine National Police mula July 1, [2016] up to present, I think rape cases are down to 30% significantly," ani Epimaco Densing III, assistant secretary ng DILG-Napolcom.

Pero sa Baguio City, mukhang salungat ang nangyayari dahil "nakaaalarma" na umano ang bilang ng naitatalang reklamo ng panghahalay. 

"Masasabi nating alarming na yung pagtaas ng incident ng rape case compared last year. For the first quarter this year, halos weekly may rape cases na reported," ani Senior Insp. Mercedes Bugosen, acting chief ng Baguio City Police Office-Women and Children's Protection Desk. 

Sa bilang ng lokal na pulisya, 36 na ang naitalang kaso ng rape mula Enero hanggang Agosto nitong taon pa lang. 

Kadalasan pa raw ng mga kaso ay nangyayari sa ligtas na lugar, bandang ala-6 hanggang alas-11 ng gabi.

"Most of these is nangyayari mostly sa mga private homes such as boarding houses and karamihan dito are liquor-related," dagdag pa ni Bugosen.

Lugar kung saan madalas mangyari ang panggagahasa sa Baguio City (2017): 

  • Pribadong tahanan - 14
  • Boarding houses/Transient - 11
  • Bakanteng lote - 3
  • Apartment - 2
  • Construction site - 1
  • Highway - 1
  • Government office - 1
  • Bar/Night Club - 1
  • Likod ng building - 1
  • Hotel/Motel/Inn - 1

TOTAL: 36

Karamihan pa ng mga nagiging biktima, menor de edad.

Edad ng dalagitang rape victims mula Enero-Agosto 2017:

  • 3-13 anyos - 5
  • 14 anyos - 4
  • 15 anyos - 3
  • 16 anyos - 3
  • 17 anyos - 2
  • 18 anyos - 4

TOTAL: 21

Paalala ng mga pulis, huwag mahiyang lumapit at magsumbong sa kanilang tanggapan sakaling maging biktima ng rape.

Kahit wala ring complainant ay maaaring ituloy ng mga pulis ang pagsasampa ng reklamo.

Self-defense

Ibinahagi naman ng isang eksperto ang ilang galaw na puwedeng gamitin sa pagtatangol ng sarili sa oras ng kagipitan.

Ayon kay Michael Bugnosen na isang weapon specialist, puwedeng gamiting sandata ang ballpen at cellphone sakali mang may umatake pero mas mainam pa rin kung makatatakbo kaagad.

"There are two things eh, fight or flight. You have to fight pag kailangan talaga or the best is to run. Do not engage. Because of what's happening ngayon, you have to be vigilant. Dapat laging naka-lock 'yung doors, kahit day time [at] when you're walking in streets dapat may kasama ka o maraming tao then dapat erratic ka pag umuuwi," ani Bugnosen. 

Makabubuti rin kung pabago-bago ang ruta sa pag-uwi para hindi masundan. 

Makatutulong pa umano ang laging pakikipag-usap ng mga magulang sa kanilang anak at patuloy na pagpapaalala kung sino ang mga kaibigang madalas kasama nito. 

--Ulat ni Marianne Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.