5 miyembro umano ng robbery-holdup group, patay sa Pangasinan

Juan Patricio Germono, ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2017 04:50 PM

Patay ang 5 hinihinalang miyembro ng robbery-holdup group matapos makipagbarilan umano sa mga pulis sa isang hotel sa Pozorrubio, Pangasinan nitong Biyernes.

Ayon sa receptionist ng hotel, pasado alas-10 ng umaga nang mag check-in ang mga suspek at nagpakilalang mga sundalo.

Kahinahinala raw ang mga kilos ng mga ito lalo’t sakay sila ng itim na SUV na walang plaka.

Dito na itinawag ng may-ari ng hotel sa pulisya ang mga suspek at nagkaroon na ng engkwentro.

Ayon sa pulisya, kinarnap ng mga suspek ang SUV sa Dagupan City nitong Huwebes atsaka sila nangholdap umano ng gasolinahan sa Tarlac.

Kasamang nag-iimbestiga ng pulis Pangasinan ang mga taga Calabarzon at Nueva Ecija na umano’y nabiktima rin ng nasabing grupo.

Ayon sa pulisya, binansagan ang grupo ng Arpelleda Robbery-Holdup Group. Isa umano sa mga namatay ang hinihinalang lider ng naturang grupo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.