4 dawit sa pagdukot sa casino operator, patay sa engkuwentro

ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2017 09:53 PM

Bumulagta ang apat na miyembro ng kidnap for ransom group matapos makaengkuwentro ng mga operatiba ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) alas-4 ng madaling araw ng Biyernes.

Kinilala ang mga suspek na sina Erwin Escobido at mga pulis na sina PO3 Rodel Estonactoc, PO1 Ramil Espejo, at PO1 Rolando Albios.

Ayon sa AKG, sila umano ang mga itinuturong suspek sa pagdukot at pagpatay sa 55 taong gulang na casino junket operator na si Carlos Tan.
    
Dinukot si Tan noong Oktubre 21 sa NAIA expressway, na papunta lamang umano sa Okada para magpamasahe kasama ang driver, nang harangin sila ng dalawang sasakyan.

Nasa P50 milyon ang hininging ransom ng kidnapper ni Tan pero makaraan ang dalawang araw, natagpuan ang bangkay nito sa isang bangin sa Talisay Road, Brgy. San Jose, Tagaytay City.

Nakabalot ng masking tape at nakatali ang kamay ng sintas nang makita ang katawan ni Tan. Ayon pa sa SOCO, mayroon itong tama ng bala sa ulo. 

Nakita ang abandonadong sasakyan ni Tan sa highway ng Barangay Pulong Saging, kaya't mula roon ay nag-backtrack ang AKG sa dinaanan nito base sa kuha ng CCTV.

Bumase rin sila sa impormasyon ng driver ni Tan na pinakawalan ng mga kidnapper.

Sa CCTV footage sa Tagaytay rotonda, kita ang sasakyan ng biktima na sinusundan ng pinaniniwalaang sasakyan din ng mga suspek.

Dati na umanong nasangkot sa droga ang mga pulis na sinasabing miyembro ng kidnap for ransom group

"Nakita ko yung nag-shift sila from drugs to kidnap for ransom...Nag-iba sila ng trade kase di ba ang campaign namin drugs eh...kaya natatakot sila. Dito na lang sila ngayon," ani Senior Supt. Glenn Dumlao, direktor ng PNP-AKG. 

Patuloy pang pinaghahanap ng pulisya ang iba pang mga pulis na miyembro ng kidnap for ransom group.

--Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.