'Tulak-droga' patay sa raid sa Manila North Cemetery

Dennis Datu, DZMM

Posted at Oct 27 2016 11:40 AM

MANILA - Dead-on-the spot ang isang hinihinalang drug pusher makaraang manlaban sa mga pulis na nagkasa ng "One Time, Big Time" operation sa Manila North Cemetery, Huwebes.

Layunin ng operasyon na maging ligtas ang mga magtutungo sa sementeryo sa Araw ng mga Patay.

Habang nag-iikot ang mga pulis, naabutan nilang nagkukumpulan sa 29th Street ang grupo ng mga kalalakihan kasama ang suspek na si Daniel Adriano, 29.

Bigla na lang bumunot ng baril si Adriano at pinaputukan ang mga pulis, ayon kay Chief Insp. Marlon Mallorca, hepe ng Blumentrit police community precinct.

Nagkaroon ng palitan ng putok hanggang sa masukol ang suspek sa kanyang tinutuluyang kwarto.

Natagpuan sa kwarto ang ilang plastic sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

Ani Mallorca, sinasabing nagbebenta ang suspek ng shabu sa kanyang kwarto at dito na rin ito ginagamit ng kanyang mga kustomer.

Narekober din sa suspek ang isang kalibre .38 na baril.

Isinalang naman ng pulisya sa background check ang 50 lalaking nakatira sa Manila North Cemetery para matukoy kung mayroon silang criminal record.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.