Bangkay ng batang nakagapos at may laslas, nakita sa kanal

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Oct 27 2016 08:44 AM


MANILA - Nakita sa loob ng drainage kanal sa Malaybalay, Bukidnon Miyerkules ang bangkay ng isang walong taong gulang na batang lalaking nakagapos ng tie wire ang mga kamay at may laslas sa tiyan.

Natagpuan din ang biktimang si Jimboy Tiempo Jr. na may tali ng straw sa leeg at putol na ang dalawang daliri.

Nahanap din ng mga pulis ang isang boteng may lamang dalawang daliring pinaniniwalaang sa biktima.

Ayon sa lola ng bata na si Celia Tiempo, hindi na nakauwi ang biktima matapos umalis sa kanilang bahay noong Oktubre 20. Inakala anya niya noong una na nakitulog lang ito sa mga kaibigan.

Lumabas naman sa inisyal na imbestigasyon na namatay ang biktima sa pananakal at sa bugbog.

"Initial findings natin, base sa autopsy natin, mayroong struggle. Sinakal ang bata... May mga wounds sa mukha at hiwa sa tiyan," ani Malaybalay police Inspector Alfredo Ortiz.

Limang suspek ang natukoy ng pulisya na huling kasama ni Jimboy.

"Na-identify na natin 'yung kasama niya on that day. Initially, lima 'yung nabanggit. Pero 'yung tatlo ang na identify natin, parang nakalaban niya doon sa plaza," sabi ni Ortiz.

Ayon sa pamilya ng biktima, pangarap ni Jimboy na maging pulis paglaki.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.