'Pa'no kami mabubuhay?': Ilang bakwit, nanlumo nang makapasok sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 09:08 PM | Updated as of Oct 26 2017 09:09 PM

Naging emosyonal ang ilang residenteng nakatira sa isang barangay sa Marawi City nang madatnan ang sinapit ng kanilang mga bahay matapos ang limang buwang bakbakan.

Maagang dumating ang mga "bakwit" para sumama sa paglunsad ng "peace caravan," tampok ang pagbubukas ng iba't ibang pangunahing serbisyo sa siyudad gaya ng tubig at kuryente.

Paiilawan na ang mga bahay at paghahandaan na rin ang tuluyang pagbabalik ng mga residente ng taga-Barangay Basak Malutlut sa Oktubre 29. 

Tanging mga residente ng Barangay Basak Malutlut lang ang pinayagang muling makabalik sa lungsod dahil sila pa lang ang nakakumpleto sa mga requirement ng lokal na pamahalaan.

Si Haridja Natangcap, taga-Barangay Bangon, minabuting sumama sa pagsilip sa kaniyang pinagmulang lungsod para kahit papaano'y makita niya ang nangyari.

Ito'y kahit hindi kasama ang kaniyang barangay sa siyam na 'pilot barangay' sa Marawi na iikutan ng caravan.

Nang simulan ang convoy, hindi maialis nina Haridja at ng mga kasama ang tingin habang binabaybay ang mga kalsada ng controlled area.

Bakas sa kanilang mga mukha ang pananabik at pag-aalala.

Nang makita nila mula sa malayo ang kanilang mga bahay, hindi na nila napigilang humagulgol.

"Sana naman tulungan ni Duterte ang katulad namin. Pa'no kami mabuhay sa pagbalik namin sa lugar namin," panawagan ng bakwit na si Rainisa Natangcop habang umiiyak.

"Pinaghirapan ko 'yon [bahay] e. Tapos napakasakit, kasi kakasimula ko pa lang. Ang hirap talaga bawiin no'n," naiiyak na sabi ng bakwit na si Casmin Jamaul nang makita ang pinsala sa kaniyang ipinundar na bahay.

Hinaing ng mga bakwit, mahihirapan silang muling itayo ang mga tahanang matagal nilang pinaghirapan. 

Ang ibang residente ng Basak Malutlut, nagsimula nang maglinis sa kanilang lugar.

Ang pamilya ni Fatima Guro, magugulong damit sa sahig at mga sirang kasangkapan ang sumalubong sa kanilang pagbabalik.

Nanlumo at napaupo na lang si Guro.

Si Jamael Sani naman, tila galit ang nararamdaman dahil sa pagkawala ng ibang gamit sa kanilang tindahan. 

Nangako naman ang Lanao Del Sur Electric Cooperative (LASURECO) na bibigyan na ng kuryente ang lahat ng residente ng Basak Malutlut.
 
Magbibigay din sila ng isang buwang palugit para mabayaran ang kuryente.

Kinakailangan lamang ng mga residente na mag-update ng membership at magsumite ng kanilang mga retrato.

Naglagay na rin ng "water bladder" ang City Health Office sa Barangay Basak Malutlut para maserbisyuhan ng tubig ang lugar. 

 Wala na ang "tagabuklod"

Ayon sa Armed Forces of the Philippines, nauunawan nilang mahirap para sa mga residenteng tanggaping wala na silang mababalikan.

Pero ayon kay Lt. Gen. Carlito Galvez, commander ng Western Mindanao Command, mahalagang napatay ng militar ang mga namumunong terorista, lalo na si Isnilon Hapilon.
 
Si Hapilon kasi ang sinasabing "unifying factor" na nagbubuklod sa iba pang pangkat ng mga terorista sa bansa.

Napatay sina Hapilon at Omar Maute habang nagtatangkang tumakas.

Ang pagkasawi ng dalawang terorista ang nagsilbing hudyat sa pagwawakas ng gulo sa lungsod.

Tinututukan ngayon ng militar si Owaida Benito Marahombsar o Abu Dar na isang lokal na recruiter.
 
Ayon kay Galvez, nakatakas siya noong mga unang araw ng sigalot sa Marawi.

Mallit na rin aniya ang posibilidad na may naiwan pang mga terorista sa main battle area.

Inabisuhan din nila ang mga residente na huwag mabahala kapag nakarinig ng pagsabog. 

Iyon daw ang iba pang improvised explosive device na pinapasabog pa ng mga sundalo.

-- Ulat nina Raphael Bosano, Kori Quintos, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.