ALAMIN: Mga paghahanda ng MMDA para sa Undas, ASEAN

ABS-CBN News

Posted at Oct 26 2017 02:15 PM

Sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang puspusang paghahanda para sa Undas at sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit upang maibsan ang perhuwisyong maaaring maranasan ng mga motorista sa mga araw kung kailan magaganap ang mga ito.

Ayon kay Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA, nasa 2,800 tauhan ng MMDA ang ipapakalat nila sa mga pampublikong lugar para sa Undas.

"Iba't ibang units [ng MMDA]...no-day off policy po, so lahat po ng tao from different units, naka-deploy po sila sa labas," ani Pialago sa panayam ng programang "Umagang Kay Ganda".

Sinimulan na nitong linggo ang pagpapalinis sa mga pangunahing sementeryo na inaasahang dadagsain ng mga tao sa Undas. Kabilang dito ang Libingan ng mga Bayani, Manila North Cemetery, at Manila South Cemetery.

Nagkasa na rin ng pagsasaayos sa mga maliliit na sementeryo sa ilang lungsod ng Kamaynilaan gaya ng Malabon, Marikina, San Juan, at Parañaque. 

Katuwang ang mga lokal na pamahalaan, nagtakda na ng mga alternatibong ruta sa mga pangunahing kalsada at mga kalsadang nakapaligid sa mga sementeryo.

Magkakaroon ng inspeksiyon sa mga bus terminal upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

May mga tauhan ding naatasang mag-cargo handling o pagtulong sa pagbubuhat ng mga bagahe ng mga taong may kapansanan o matatanda.

Magdadagdag din umano ang MMDA ng mga tauhang magpapanatili ng kaayusan sa mga dagsaing bus terminal sa Pasay, at sa Cubao, Quezon City.

Suspendido rin ang number coding scheme ng mga sasakyan simula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2.

Patuloy na maghahatak ang MMDA ng mga sasakyang ilegal na nakaparada upang maiwasan ang pagsikip ng mga kalsada.

Pinaalalahanan din ni Pialago ang motorista sa mga kalsadang apektado ng ASEAN Summit.

Sa Nobyembre 13, mula madaling araw hanggang tanghali, isasara umano ang kahabaan ng Roxas Boulevard, mula P. Burgos hanggang Buendia.

Maglalagay din ng harang sa mga innermost lanes na EDSA.

Nanawagan din si Pialago ng pag-unawa sa mga motoristang maapektuhan ng pagsara ng mga kalsada.

Aniya, para ito sa seguridad ng mga pinuno ng mga bansang dadalo sa pulong.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.