Taxi driver, hinoldap, sinaksak nang 10 beses ng 2 suspek

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 01:49 PM | Updated as of Oct 25 2017 03:42 PM

Hindi inakala ng isang taxi driver na ang 2 pasaherong kakuwentuhan pa sa biyahe ang gagawa ng masama sa kanya.

Ayon kay Hermie Caseñas Olaer, galing ng Pasay ang dalawang pasahero na nagpahatid sa Cavite noong Oktubre a-4. 

"Galing ng Pasay yung pasahero ko, dalawa. Tapos nagpapahatid dito sa Cavite. Ang sabi nila sa akin balikan. Pagkatapos nung dumating na kami dito sa General Trias, doon na po. Sinaksak nila ako kaagad at nagsabi sila na holdup," sabi niya sa panayam sa DZMM.

"Sinaksak muna ako ng 6 na saksak sa tiyan bago sinabing hold-up. Nagalit ako. Sabi ko, 'Bakit nyo naman ako sinaksak kung pera lang pala kailangan niyo. Ibibigay ko po.'"

Nagawa ni Olaer na mabali ang blade ng kutsilyong ginamit na pangsaksak sa kanya pero nang manghingi na ng tulong sa kasama ang isa sa suspek at sinabing barilin na lang siya, hindi na siya nagdalawang isip na lumabas ng kanyang taxi at humingi ng tulong sa mga kabahayan doon.

Tinangay na rin ng mga suspek ang kanyang ibinibiyaheng taxi kasama na ang kanyang wallet, lisensiya at cellphone.

Patuloy na nagpapagaling ngayon sa ospital si Olaer matapos magtamo ng mahigit sa 10 saksak--6 sa tiyan, dalawa sa balikat, 2 sa siko at apat sa palad.

"Lumaban na ako kasi katwiran ko bakit nila ako papatayin. Wala naman akong kasalanan. Naghahanap-buhay lang ako," sabi ni Olaer.

Dagdag niya, hindi umano siya nagduda sa 2 lalo na't maayos na nakikipag-kuwentuhan at tawanan pa ang mga ito sa kanyang habang sila ay bumibiyahe.

Habang nagpapagaling, kasabay na inaalala ni Olaer ang gastusin sa ospital.

"Nandito pa rin po ako. Nagaalala ako lagi kasi yung kwarto dito P700 a day," sabi niya.

Humingi ng tulong sa Lingkod Kapamilya si Olaer para matulungan siya sa gastusin sa ospital na mahigit P300,000.

Nangako naman ang kumpanyang pinagtatrabahuhan ni Olaer na gagawin ang lahat ng makakaya para matulungan siya.

Sa pahayag ni Marco Atienza, vice president ng Basic Transport Management Corporation, hindi naman sila nagkulang sa pagtulong sa kanilang driver.

"Since napasok siya sa ospital, continuou naman ang support, assistance na ibinibigay namin sa kanya," sabi ni Atienza. -- DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.