Supermarket sa Caloocan, nasunog

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 03:17 PM

MANILA- Nagkaroon ng sunog sa isang supermarket sa loob ng Victory Mall sa Caloocan City Miyerkoles ng umaga.

Unang napuna ng mga guwardiya ng mall bandang alas-7:30 ng umaga ang usok na nagmumula sa loob ng stockroom ng Robinson's Supermarket. 

Itinaas sa unang alarma ang sunog na idineklara lamang na fire out bandang 12:56 ng hapon. Tatlumpung fire truck ang rumesponde sa sunog. 

Hindi naman kumalat ang apoy sa mga katabing tindahan ngunit nahirapan ang mga bumberong apulahin ito. Gumamit sila ng ejector at inayos ang ventilation para maitaboy ang usok.

Dahil sa insidente, hindi na nakapasok ang daan-daang negosyante sa mall. Wala pa namang kustomer noong mga oras na nagsimula ang sunog dahil sarado pa ang mall.

Ayon sa management ng Victory Mall, posibleng buksan ang mall sa publiko mamayang alas-5 ng hapon.

Iniimbestigahan pa ang naging sanhi ng sunog ngunit ayon sa Bureau of Fire Protection Fire Marshal Crispo Diaz, posibleng dahilan ng sunog ay ang combustion ng electrical wiring sa loob ng stockroom.

Dagdag pa ni Diaz, posibleng mabilis na nagkaroon ng sunog dahil sa dami ng karton doon.

Tinataya ng BFP na aabot sa P350,000 ang kabuuang halaga ng pinsala kasama na ang mga nabasang produkto at mga nasira sa gusali.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.